Kinumpirma ng DSWD Field Office I na kasama na sa 2nd tranche ng Social Amelioration Program o SAP ang mga waitlisted o left-out noong unang bugso ng pamamahagi ng ayuda.

Ayon kay DSWD Field Office I Information Officer Darwin Chan, ang mga nasa wait-list o yung mga tinatawag ding left-out ay kasalukuyan nang binibigyan ng ayuda at tinatanggap na nila ang ikalawang bugso ng tulong pinansyal sa ilalim ng SAP upang makompleto ang target emergency aid amount na 11,000 para sa kanila.

Sa katunayan, nitong nakaraang linggo ay nagsagawa ang kanilang hanay ng pay-out sa bayan ng San Fabian at mayroon din silang mga kasamahan na nagsagawa ng pay-out sa iba’t-ibang bahagi ng Pangasinan ngayong araw.

--Ads--

Batay naman sa kanilang tala, sa buong Region I ay mayroon na silang pay-out sa mahigit dalawampu’t anim na libong benepersaryo, kung saan humugit kumulang sa labing walong libo sa mga ito ay mula sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 300,000 ang nabayaran na, o katumbas ng walumpu’t walong porsyento ng kanilang target para sa kanilang nasasakupan.

Samantala, binigyang linaw din ni Chan ang mga katanungan hinggil sa mga walang nailagay na cellphone number sa kanilang mga form na siyang ginagamit para sa digital payout.

Aniya, sa mga pagkakataong ito, babagsak sa direct pay-out ang pagbibigay ng ayuda sa mga household na ganito ang sitwasyon.

Tiniyak din ni Chan na ang mga nakatanggap ng unang bahagi ng ayuda na wala sa masterlist para sa 2nd Tranche ay maaaring makipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang maberipika ang kanilang estado at magawa ang mga karampatang hakbang.

Ito ay kasunod na rin ng pagkatala ng kanilang hanay ng maraming mga apela at reklamo ng mga walang pangalan sa masterlist ng mga tatanggap ng ayuda.

Target ng ahensya na tapusin sa lalong madaling panahon ang kanilang pamimigay ng ayuda, at tiniyak na mabibigyan lahat ng benepersaryo sa buong Region I.