DAGUPAN CITY- Nag-umpisa nang maghanda ang mga nagbebenta ng bulaklak para sa Undas sa bahagi ng Galvan Street sa syudad ng Dagupan kung saan pinapayagan silang magtinda sa gilid ng kalsada.

Ayon sa ilang vendor, matumal pa ang bentahan dahil kakaunti pa lamang ang mga bumibisita sa sementeryo, ngunit inaasahang dadagsa ang mga mamimili sa Oktubre 30 hanggang 31.

Isa sa mga nagtitinda, si Marlon Cordero, ay nagsabing radus flower lamang ang kanyang tinitinda dahil ito lang ang kaya ng puhunan sa ngayon. Nakaayos ang mga ito sa paso o binebenta nang tingi sa halagang ₱100 bawat bundle.

--Ads--

Inoorder pa niya ang mga bulaklak mula Baguio City, at nagbabalak lamang siyang magdagdag ng paninda kapag papalapit na ang Undas dahil tatlong araw lang ang itinatagal ng mga bulaklak bago malanta.

Maaaring tumaas din umano ang presyo depende sa galaw ng supplier.

Samantala, sa Tres Marias’ Flower Shop ni Marlene Bravo, maayos umano ang daloy ng supply dahil sila mismo ang kumukuha ng mga bulaklak sa Baguio.

Kaunti pa lamang ang namimili ngayon, ngunit inaasahan nilang sisimulan ang dagsa ng mga mamimili kinabukasan.

Iba-iba ang presyo ng mga bulaklak depende sa klase: stargazer ay ₱250 kada bundle, sunflower ay ₱50 kada tangkay, Malaysian mums at radus ay tig-₱200 kada bundle, habang pako ay ₱20 bawat piraso.

Maging ang mga dahon ay tumaas na rin ang halaga.

Tumanggap din sila ng mga order ng flower arrangement, na nagkakahalaga ng ₱1,500 hanggang ₱2,000 depende sa kombinasyon ng imported at lokal na bulaklak.

Sa kabila ng mabagal na simula, umaasa ang mga vendor na bubuhos ang bentahan paglapit ng Undas, lalo na at marami na ang magsisimulang bumisita sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.