DAGUPAN CITY- Nagulantang ang mga tricycle drivers sa syudad ng Urdaneta sa matinding pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa dulot ng girian ng mga bansa sa Middle East.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ramon Ramos, Presidente ng Urdaneta City-TODA, malaki ang posibilidad na magtataas sila ng pamasahe kung sakaling magtuloy-tuloy ang tripleng patong sa pagtaas ng petrolyo.
Gayunpaman, hindi pa nila ito magagawa sa ngayon dahil dadaan pa sa proseso ng batas bago ito maipatupad.
Aniya, sa ngayon ay iindain muna nila ang mataas na singilan sa gasolina habang papanatilihin ang presyo ng pamasahe.
Sa kasalukuyan, dama na nila ang bigat ng naturang pagtaas sa syudad dahil naglalaro ang gasolina sa P61-P62 kada litro at halos nasa P70 pataas naman ang diesel.
At sa tagal nang pamamasada ni Ramos, ito na umano ang pinakamataas na presyo ang kaniyang naranasan.
May ilan na nagpapahiwatig sa kanilang lugar na huminto muna sa pagpapasada at lumipat muna sa pagsasaka.
Mungkahi naman niya sa gobyerno na bigyan ito ng agarang aksyon dahil maaaring sa susunod na mga araw ay tataas na rin presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
At kung sakaling magkatotoo ang fuel subsidy, malaki na itong tulong sa kabuoang transport sector ng Pilipinas.
Subalit, sa ngayon ay wala pang katiyakang na mag aabot ng agarang tulong ang Local Government Units (LGU) sa kanilang hanay.










