Ramdam ng mga tricycle driver at maliliit na negosyante sa Dagupan City ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nagdudulot ng dagdag na gastusin sa kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.

Ayon kay tricycle driver Onyok Bustarde, nahihirapan na ang mga driver dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Aniya, nananatili pa rin ang kanilang pamasahe sa kabila ng pagtaas ng gastusin sa krudo kaya’t nababawasan ang kanilang kinikita sa araw-araw na pamamasada.

--Ads--

Dagdag pa niya, may mga pagkakataong nahihirapan silang magpa-gasolina dahil sa mataas na presyo nito kaya kinakailangan nilang humanap ng paraan upang makaraos sa kanilang biyahe.

Ibinahagi rin niya na napag-uusapan na rin ng kanilang grupo ng mga driver ang posibleng pagtaas ng pamasahe, ngunit patuloy pa rin silang sumusunod sa mga patakaran ng lokal na pamahalaan hinggil sa kanilang prangkisa at operasyon.

Samantala, sinabi naman ng vendor na si Alex Quillope na nararamdaman din ng mga nagtitinda ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dahil nagkakaroon ito ng domino effect sa presyo ng iba pang bilihin.

Aniya, nagiging dahilan ito ng pagtaas ng gastusin ng mga mamimili kaya nababawasan ang kanilang benta.

Ayon pa sa kanya, marami sa mga tao ang nag-aalala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, na lalong nagpapahirap sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Para naman kay Myrna Pasawa, isa ring vendor, napipilitan silang mag-adjust sa kanilang negosyo dahil sa pagtaas ng presyo ng mga sangkap at iba pang gastusin.

Aniya, may mga pagkakataong binabawasan nila ang dami ng ginagamit na sangkap upang makasabay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Ibinahagi rin niya na mahirap para sa kanila ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangangailangan, lalo na’t may mga anak silang pinag-aaral.

Sa kabila nito, umaasa ang mga driver at vendor na mabibigyan ng solusyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin upang maibsan ang kanilang nararanasang hirap sa kabuhayan.