Nanawagan ang Alliance of Concerned Transport Organization sa pamahalaan na aprubahan ang dagdag-singil sa pasahe upang makatulong sa mga transport operator at tsuper na nahihirapan sa patuloy na paggalaw ng presyo ng langis.
Ayon kay Alliance of Concerned Transport Organization President Liberty De Luna, malaki ang maitutulong ng fare increase, subsidy at fuel discount upang maibsan ang kanilang gastusin sa araw-araw na operasyon.
Aniya, patuloy silang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng krudo kasabay ng pagmahal ng iba pang pangunahing bilihin.
Hiniling din ni De Luna sa pamahalaan na repasuhin at alisin ang oil deregulation policy, na aniya ay lalo lamang nagpapahirap sa sektor ng transportasyon at sa publiko dahil sa pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo.
Iginiit pa niya na marami sa kanilang mga kasamahan ang nahihirapan nang bumiyahe dahil hindi na sapat ang kanilang kinikita upang matustusan ang mataas na gastos sa krudo at iba pang pangangailangan sa operasyon.
Nanawagan din si De Luna sa mga pasahero na unawain ang kanilang kahilingan para sa dagdag-pasahe, dahil ayon sa kanya, nahihirapan na ang mga tsuper at operator na ipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.










