Hindi sapat na batayan ang pagtaas ng bilang ng may trabaho, lalo na kung panandalian lamang ang mga oportunidad na nalilikha.

Yan ang binigyang diin ni Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers (FFW), hinggil sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Statistics Authority (PSA) na umakyat sa 49.26 milyong Pilipino ang may trabaho sa bansa noong huling quarter ng 2025.

Ayon kay Cainglet, inaasahan ang pagdami ng may trabaho tuwing huling bahagi ng taon dahil sa paglapit ng Kapaskuhan.

--Ads--

Aniya, karaniwang tumataas ang employment sa services sector, gayundin ang ilang bahagi ng manufacturing, subalit kadalasan ay pansamantala lamang ang mga trabahong ito.

Saad niya mas mahalagang tingnan kung ano ang employment record pagdating ng bagong taon.

Dagdag niya, marami sa mga trabahong nalilikha sa huling quarter ay seasonal at matapos ang holidays ay agad na nawawala.

May mga manggagawang tinatanggal sa trabaho nang walang abiso o babala, habang ang iba naman ay bigla na lamang nawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng operasyon ng kanilang pinapasukan.

Ayon pa sa FFW, may mga kompanya ring sinasadyang isara o ihinto ang operasyon bago mag-Disyembre upang maiwasan ang regularization at ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo sa mga manggagawa.

Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng trabaho sa services sector at ilang dagdag sa manufacturing, nananatili umano ang problema ng endo o end-of-contract scheme.

Binanggit din niya na marami silang natatanggap na reklamo mula sa mga manggagawang hindi nabigyan ng 13th month pay, sa kabila ng malinaw na probisyon ng batas.

Nanawagan naman ang FFW sa mga manggagawang nahaharap sa mahirap na sitwasyon na huwag agad sumuko.

Bagkus dapat ireklamo ang mga hindi gumagawa ng tama.

Tiniyak din ng FFW na magpapatuloy ang kanilang laban para sa dagdag sahod, pagbuwag sa regional wage setting, at ang nationalization ng wage setting upang masiguro ang makatarungang sahod para sa lahat ng manggagawa.

Kasama rin sa kanilang panawagan ang tuluyang pagwawakas sa endo at ang pagbibigay ng kalayaan at karapatan sa mga manggagawa na mag-organisa at bumuo ng mga unyon.