Mga kabombo! May kakilala ka bang redhead o mamula-mula ang color ng kaniyang buhok, natural man o hindi? Aba, pwede itong makisaya sa Redhead Days!

Paint the town Red! ang peg ng Tilburg City, sa timog ng Netherlands nitong weekend nang magsama-sama ang libu-libong redhead mula sa iba’t ibang panig ng mundo para sa taunang pagdiriwang ng kanilang kulay ng buhok.

Ang edisyon ng Redhead Days ngayong 2025 ay tampok ang musika, mga food truck, at mga workshop na iniakma sa pangangailangan ng mga redhead—mula sa mga makeup tutorial hanggang sa mga talakayan ukol sa pag-iwas sa skin cancer.

--Ads--

Inaasahan ng mga organizer na aabot sa ilang libong kalahok mula sa humigit-kumulang 80 bansa ang dadalo sa tatlong araw na selebrasyon.

Libre at bukas sa lahat ang festival, maliban sa group photo tuwing Linggo, na nakalaan lamang para sa mga “natural” na redhead.

Noong 2013, nagtala ang festival ng Guinness World Record para sa “pinakamalaking pagtitipon ng mga taong may natural na pulang buhok,” kung saan 1,672 katao ang lumahok sa group photo.