Taos-pusong pagmamahal at pakikidalamhati ang ipinahayag ng mga tagasuporta at tagahanga ni dating House Speaker na si Jose de Venecia Jr. kasabay ng pagdating ng kaniyang labi sa lungsod ngayong araw para sa isinagawang Hero’s Homecoming procession.

Dagsa ang mga residente na nakiisa sa makasaysayang pag-uwi ng kinikilalang lider ng Dagupan at ng ikaapat na distrito ng Pangasinan.

Bitbit ang mga bulaklak at panalangin, nagbigay-pugay ang publiko sa isang lider na nag-iwan ng malalim na marka sa kanilang buhay.

--Ads--

Ayon kay “Nanay V,” isa sa mga matagal nang sumusuporta kay JDV, hindi malilimutan ang agarang pagtugon nito noong tumama ang killer earthquake noong 1990.

Aniya ay napakalaki ng naitulong ni De Venecia dahil inaksyunan niya kaagad ang sitwasyon kaya maraming kalsada at gusali sa fourth district ang agad na nagawan ng solusyon.

Dagdag pa niya, mananatili sa alaala ng mga Dagupeno ang malasakit at pagmamahal ng dating Speaker sa kaniyang mga kababayan.

Samantala, ibinahagi rin ni Armando Garcia, sumusuporta kay JDV at aquaculturist na naglingkod sa Pangasinan State University Lingayen Campus, ang kaniyang karanasan sa mga programang sinuportahan ni De Venecia.

Aniya, nasaksihan niya ang mga proyektong naisakatuparan sa tulong ng mambabatas, partikular sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Pagbabahagi nito na maraming gusali ang naipatayo para magamit sa mga seminar at pagsasanay, lalo na noong panahon si Dr. Westly Rosario pa chief ng ahensiya.

Ipinahayag din niya ang kalungkutan sa pagpanaw ng itinuturing na “ama ng Dagupan at mga karatig-lugar.

Gayunman, sinabi niyang marahil ay panahon na rin upang makapagpahinga ang beteranong lider subalit aniya ay hindi kailanman mabubura ang kaniyang serbisyo at mga naiambag hindi lamang sa lungsod ng Dagupan kundi sa buong bansa.