DAGUPAN CITY- Ikinababahala ng National Parent Teachers Association Philippines ang pagkakaroon ng kakulangan sa araw ng pasok sa mga paaralan dahil sa sunod-sunod na suspensyon ng klase dulot ng mga nagdaang bagyo at ang paghabol sa orihinal na school calendar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lito Senieto, Bise presidente ng nasabing grupo, nakaranas pa ng pagpapaikli ng oras ng pagtuturo sa bawat asignatura at nagkakaroon ng schedule shifting ang ibang paaralan dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
Aniya, hindi naman tiyak kung ipapatupad pa ang isang linggong school break sa susunod na linggo.
Kung sa tutuusin ay magiging sayang lang ang 5 araw dahil naging mahaba na ang bakasyon ng mga mag-aaral. Bagaman, may mga suspensyon, marami rin ang mga holiday sa bansa.
Dahil dito, hindi na gaano natututo ang mga mag-aaral.
Pagdating naman sa pagkakaroon ng modular distance learning tuwing may suspensyon ay kaniya rin ikinababahala dahil hindi naman niya ito nakikitang ibinibigay sa mga bata.
Kaya hindi rin tiyak kung lahat ng mga paaralan ay nagkakaroon ng ganitong pamamaraan sa tuwing may suspensyon ng klase.
Giit niya na hindi naman kailangan iasa lang sa module learning dahil sa kakayahan ng internet at maaaring hindi matuto ang mag-aaral, katulad noong panahon ng pandemiya.
At para kay Senieto na kinakailangan talaga na magpatupad ng saturday class ang Department of Education upang makahabol sa mga aralin.
Dagdag pa niya, makakatulong ang pagbabalik sa salitang ingles ang pagtuturo partikular sa mga text book para sanayin ang mga mag-aaral sa ibang lenggwahe.