DAGUPAN CITY- Hawak na ng Dagupan City PNP ang mga suspek sa likod ng pagpaslang sa 7 taon gulang na batang babae na natagpuang sa Tondaligan Beach, kamakailan lamang.
Ayon kay PLt. Col. Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng Dagupan City PNP, natukoy nila ang dalawang suspek, mag-asawa mula sa bayan ng Sison, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng owner ng nirentahang sasakyan ng mga suspek kung saan nagbigay ito ng identification.
Karagdagang kumpirmasyon din ang mga cctv footages na kanilang nakalap at sa tulong ng mga mamamayan na nakakita ng sasakyan.
Aniya, agad din sila nagsagawa ng profiling hanggang sa maaresto ang mga suspek sa kanilang pamamahay sa nasabing bayan.
Tiniyak naman ni Calub na mahaharap sa karampatang kaso ang mga suspek sapagkat hawak na nila ang mga ebidensya na magpapatunay sa isinagawang krimen.
Tinitignan naman ang mga kasong kidnapping at paricide na maaaring isampa sa lalaking suspek at kidnapping at murder naman sa babaeng suspek.
Maaari rin aniyang maharap ang dalawa sa kasong murder.
Samantala, hindi pa inilalabas ng kapulisan ang buong pagkakakilanlan ng mga ito habang hindi pa tuluyang naisasampa ang mga kaso.
Ibinahagi rin ni Calub na lumabas sa mediko legal ng biktima na tatlong beses itong ginilitan sa leeg.
Habang ang autopsy report nito ay isasagawa sa araw ng lunes, August 18.
Pinag-aaralan na rin nila ang GPS history ng ginamit na sasakyan upang matukoy kung saan sinagawa ng mga suspek ang krimen.