Naaresto na ng mga otoridad ang mga suspek na hinihinalang pumatay at humalay sa isang guest relation officer GRO sa Brgy. Tagac, Mangatarem, Pangasinan.

Una rito, natagpuang wala ng buhay sa gilid ng ilog ang biktimang si Annalyn Canonisado, 32-anyos, isang single parent at residente ng Brgy. Poblacion, Porac, Pampanga.

Sa ekslusibo namang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Major Aurelio Manantan, hepe ng Mangatarem PNP, sinabi nito na matapos ang napaulat na insidente ay agad umanong nagsagawa ang kanilang hanay ng ‘tracking’ sa buong pangyayari.

--Ads--

Dito napag alaman na nag umpisa ang lahat sa isang beerhouse sa Camiling, Tarlac na pinagtratrabahuan ng biktima. Tinangka umano ng dalawang suspek na kinilala bilang si Florante Fortin Jr. at kasamahan nitong si Rolando Moreno na ilabas ang 32 anyos na biktima bagay na hindi naman pinayagan ng kanyang manager.

Upang makombinse, iniwan umano ni Fortin ang isa nitong Identification Card o ID kapalit ng pagkombinse sa namamahala na ibabalik din niya ang nasabing guest relation officer.

Dito naman aniya natunton ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na isang Brgy. Kgwd at kalauna’y isinuko din ng kanyang pamilya sa kapulisan.

Samantala, sa follow up investigation, matagumpay ding nahuli ang kasama pa nitong suspek na si Rolando Moreno na noo’y nagtatago umano sa Guiguinto, Bulacan.

Nasampahan na ng kasong ‘murder’ ang dalawang nabanggit na suspek matapos aminin ang ginawang krimen. with report from Bombo Badz Agtalao