DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin ang pagbubuwis buhay ng mga mangingisdang Pilipino dahil umano sa suliranin ng kanilang sektor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Ballon, Chairperson ng Artisanong Mangingisda ng Pilipinas, hindi na nawawala ang mga nasasawing kababayang mangingisda sa West Philippine Sea.
Aniya, dahil ito ang tanging hanapbuhay na kanilang alam ay ibinubuwis na lamang nila ang kanilang buhay.
Labis na lamang sila nagpapasalamat sa Philippine Coast Guard sa pagtulong kay Elpidio Lamban para i-rescue ito sa Calapacuan, Subic, sa Zambales.
Ani Ballon, mas mapapadali sana ang pagpunta ng PCG sa nasabing mangingisda kung hindi ito inantala ng isang Chinese Coast Guard.
Kaya lalong tumitindi ang kanilang panawagan ang pagprotekta sa kanilang kaligtasan sa pangingisda sa West Philippine Sea.
Kahilingan din nila sa gobyerno ang kanilang matagal nang suhestyon na mabigyan sila ng tamang suporta o social benefits.
Kabilang na rito ang mga pagkakaroon ng mapagkukunan ng hanapbuhay sa tuwing hindi nila magawang makalaot.
Maliban pa sa nabanggit, nais rin nilang mapakinggan ang kanilang petisyon na maibigay ang karapatan ng mga maliliit na mangingisda na mangisda sa loob ng 15km municipal waters at hindi maagawan ng mga commercial vessels.
Sa pamamaraang ito, maiiwasan na ang mga Pilipinong mangingisda na lumayo pa at ibuwis ang kanilang buhay sa pinag-aagawang katubigan.
Bagaman inaaksyunan na rin ito ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), hindi pa nila alam at patuloy inaabangan ang desisyon ng Korte Suprema.