Nararapat lamang manatiling patas at walang kinikilingan ang mga senator-judges at iwasang umaktong abogado sa paglilitis. 

Tugon ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro matapos tanungin kung mayruon assessment ang Malakanyang sa day 13 ng impeachment trial Lalo na ang naging pagtatanong ni Senator Imee Marcos sa testigong si Atty. Roderick Wamil.

Sa press briefing sinabi ni Castro na  tungkulin ng mga senator-judges na magtanong lamang para sa paglilinaw at hindi magsagawa ng cross-examination o makipagdebate sa mga testigo.

--Ads--

Ipinunto din ni Castro na dapat manaig ang ebidensiya at katotohanan sa impeachment trial. 

Tahasan din sinabing ni Castro na may ilang senator-judges ang tila umaaktong abogado sa halip na maging patas na hukom sa impeachment trial.

Sambit pa ni Castro na huwag magdala ng walis sa senado para walisin ang katotohanan.  

Itinanggi ni Castro ang mga alegasyong may political motivation sa naging desisyon ng Korte Suprema sa mga petisyong may kaugnayan sa impeachment. 

Aniya, mas makabubuting ituon ang talakayan sa mga legal na usapin kaysa sa mga ganitong paratang.

Iginiit din ng Malacañang ang paggalang sa desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang dalawang petisyon na kumukuwestiyon sa impeachment proceedings.

Sinabi ni Castro, ibinasura ang mga petisyon dahil wala na sa House of Representatives ang usapin at nasa Senado na bilang impeachment court. 

Dagdag niya, tumugon na rin ang Kamara sa mga isyung binanggit sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Sa kabilang dako, tahasan namang sinabi ni Usec Castro, na isa sa mga pinaka-bias na pahayag na kanyang napansin sa impeachment trial ay ang pananaw na ang Special Disbursing Officer (SDO) lamang ang dapat managot.