Gaano na nga ba kalalala ang pagpapanggap mo?

Kaya mo bang magpanggap na isang humanoid robot at manlinlang ng kapwa para lamang sa isang exhibit?

Ngunit imbis na mamangha, mistulang naging katatawanan ang sinapit nito!

--Ads--

Paano ba naman kasi, ang robotics industry ng Iran ay nabuking na ang dalawang “advanced humanoid robots” na ibinida sa katatapos lang na Kish Inox Tech Expo ay mga tunay na tao lang pala na nakasuot ng robot costume.

Sa mga kumalat na video, makikita ang isang lalaki at babaing “robot” na nakasuot ng silver costumes na may nakasulat na binary code (mga numerong 0 at 1).

Sa isang clip, nagpakilala pa ang babae bilang “Miss Data” at sinabing nakatira siya sa “blockchain space.”

Ipinaliwanag pa nito sa isang bisita na siya at ang kanyang kapareha ay “koleksiyon ng datos na nagtutulungan sa isang shared data code.”

Ngunit sa kabila nito, kitang-kita pa rin umano sa mga high-definition videos ang kanilang pagiging tao.

Halata ang kanilang acne scars , ang natural na pagkurap ng mata, at ang pagtaas-baba ng dibdib dahil sa paghinga. Maging ang kanilang galaw ay pilit at hindi mukhang robotic.

Dahil sa kahihiyang inabot, agad na naghugas-kamay ang Iran. Nilinaw ni Hossein Afshin, isang opisyal sa Science and Technology ng Iran, na wala silang kinalaman dito.

Dagdag pa nila, gimik lang ito ng isang pribadong kompanya para sa advertising at hindi ito ang opisyal na representasyon ng teknolohiya ng bansa.