DAGUPAN CITY- Lumubog na ang halos buong Barangay Sonquil sa bayan ng Sta. Barbara bunsod ng patuloy na pagtaas ng tubig baha, lalo na sa Sitio Riverside kung saan umaabot na ito hanggang dibdib, habang hanggang bewang naman sa ibang bahagi ng barangay.
Ayon sa Punong Barangay na si Jonathan Cardenas, sanay na umano ang mga residente sa ganitong sitwasyon kaya’t kadalasang saka pa lamang lumikas kapag sobrang lalim na ng tubig.
Sa kasalukuyan aniya wala pang lumikas kahit pa patuloy na tumataas ang tubig simula kahapon.
Nananatili umano ang mga residente sa kanilang mga tahanan at naghihintay kung kinakailangan silang sagipin, dahilan upang manatiling alerto ang mga opisyal ng barangay.
Samantala, nakahanda naman ang evacuation center sa loob ng barangay, kabilang ang mismong Barangay Hall, bilang pansamantalang tuluyan sakaling kailanganin.
Maaari rin itong i-coordinate sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) para sa mas malawak na evacuation support.
Ayon pa kay Cardenas, kaninang umaga, nagtungo na sa lugar ang mga kinatawan ng MDRRMO at kapulisan upang personal na inspeksyunin ang sitwasyon.
Gayunman, wala pang naipapamahaging tulong mula sa lokal na pamahalaan habang hinihintay pa ang pag-apruba at pagproseso ng calamity fund.
Lubog na rin ang mga palayan sa barangay, at dahil sa karanasan sa mga nagdaang bagyo na umabot sa lagpas-taong baha, nananatiling alerto ang pamunuan ng barangay.
Nanawagan ang Barangay Sonquil sa MDRRMO at sa lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara para sa agarang aksyon, lalo na kung kakailanganin na ang paglikas at paghahatid ng tulong sa mga residente.
Pinaalalahanan naman ang mga mamamayan na patuloy na makipag-ugnayan sa barangay para sa kanilang kaligtasan.