Excited na ang mga residente sa Spain habang papalapit ang inaabangang laban ng kanilang koponan kontra Argentina sa FIFA World Cup. Marami na ang nagsusuot at bumibili ng mga merchandise at uniporme bilang pagpapakita ng suporta sa kanilang pambato.

Ayon kay Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa Spain, puspusan na ang paghahanda para sa public viewing ng laban ng Spain at Argentina.

Aniya, kapansin-pansin ang pagdami ng mga nagtitinda ng mga uniporme, T-shirt, at iba pang merchandise na may kaugnayan sa pambansang koponan ng Spain.

--Ads--

Dahil sa pagpasok ng Spain sa semifinals, mas pinaigting na rin umano ng mga awtoridad ang ipinatutupad na seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng mga manlalaro at ng libu-libong inaasahang manonood.

Pinapayagan lamang aniya ang mga dadalo na magdala ng ekstrang damit at pagkain bilang bahagi ng ipinatutupad na security protocols.

Dagdag pa ni Tinaza, nakahanda na rin ang mga awtoridad para sa public viewing, kung saan inaasahang dadagsa ang libo-libong football fans upang suportahan ang Spain sa mahalagang laban nito kontra Argentina.