Nababahala ang mga residente ng Japan kasunod ng muling pagpaputok ng ballistic missile ng North Korea sa teritoryo ng Japan ngayong araw ng Martes na nagresulta upang maglabas ng emergency warning sa naturang bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran na naglabas ng abiso si Japanese Prime Minister Fumio Kishida na manatili muna sa loob ng kani-kanilang mga tahanan habang inoobserbahan kung magkakaroon ng susunod na hakbang ang North Korea.
Aniya na bagamat pinakaapektado ang mga residente sa pinakahilagang pangunahing isla ng Hokkaido at sa hilagang-silangang Aomori prefecture ng bansa ay buong Japan umano ay nagpapanic kaugnay rito.
Ang naturang missile ay lumipad sa hilagang-silangang prefecture ng Aomori at lumapag sa labas ng Exclusive Economic Zone ng Japan.
Dagdag pa nito na isang dahilan na kanilang nakikita kung bakit ginagawa ito ng North Korea ay upang maitrigger ang Estados Unidos, ngunit sa ngayon ay wala pa umanong eksaktong detalye sa tunay na motibo ng North Korea.
Pagsasaad ni Beltran na ang Japan ay pilit pa ring inuunawa ang sitwasyon nang maiwasan na ring mangyari ang isang malaking kaguluhan sa pagitan nila ng North Korea.
Ayon pa kay Beltran na ito na ang ika-28 pagkakataong nagpaputok ng missiles ang North Korea sa taong 2022.
Tiwala din ito na may nakahanda ng plano ang kanilang bansa sakaling sumiklab ang kaganapan hinggil dito.