DAGUPAN CITY- Nag-panic buying na ang mga residente sa Hongkong dahil sa inaasahang hagupit na ipaparanas ng Super Typhoon Ragasa.

Ayon kay Marlon Pantat De Guzman, Bombo International News Correspondent sa nasabing lugar, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, nag-unahan ang mga tao sa mga bilihan at nagkaubusan na ng suplay ng ‘basic commodities’, bagay na normal na gawain tuwing may malakas na bagyo.

Gayunpaman, batay sa kanilang karanasan, hindi naman tuluyan nauubos ang suplay ng pagkain sa bansa at kinakaya ang ganitong pangyayari.

--Ads--

Samantala, agad nagtaas ng Signal no.1 ang Hongkong Observatory noong lunes nang magsimulang magparanas ng pag-ulan ng bagyo.

Ani De Guzman, bago pa maideklara ang Signal no.8 (katumbas ng Signal no.3 sa Pilipinas) kahapon, araw ng martes, ay nakita niya na ang malakas na paghampas ng alon sa dalampasigan.

Inaasahan naman umano na magla-landfall ito ngayon araw at nakikitang lalabas sa Guangdong, China.