DAGUPAN CITY- Hindi itinuturing ng barangay captain mula Brgy. Lasip, Calasiao na ghost flood control project ang konstruksyon ng Slope Protection sa Marusay River, kasabay ng isang tulay, na nagtapos noong 2024.
Sinabi ni Barangay Brgy. Lasip Captain Dante Fernandez, ito ay nagkakahalaga ng halos ₱19.4 million, sa ilalim ng JEUSMACK Builders & Construction Supply.
Ang dating simpleng batong harang na nagsisilbing depensa laban sa rumaragasang tubig ay pinalitan ng konkretong istruktura na may bakal, na itinuturing ngayong matibay at walang bakas ng bitak.
Aniya, aktuwal ito na naipatayo at malinaw na nakikinabang ang mga residente.
Bago ito ginawa, malala ang baha sa kanila at maliit lang ang nadadaanan ng tubig kaya laging lumulubog ang barangay kapag malakas ang ulan.
Dagdag ni Fernandez, malaki ang naitulong ng proyekto upang maibsan ang pagbaha dahil mas maayos na ngayon ang agos ng tubig mula sa Marusay River.
Sa kasalukuyan, may isa pang proyekto ang DPWH sa barangay, ito ang pagpapataas ng kalsada upang mas madali at ligtas na madaanan ng mga motorista, kabilang na ang mga mabibigat na sasakyan.
Nakatakda itong buksan ilang linggo matapos tuluyang matapos ang konstruksyon.
Binanggit din ng kapitan na malinaw ang paggamit ng pondo para sa mga proyekto at walang dapat ipag-alala ang mga residente.
Giit niya, nakikita mismo rito sa barangay ang pinaggamitan ng pondo at hindi ito nabulsa at totoong nakatuon para sa ikabubuti ng komunidad.
Ang proyekto ay bahagi ng mga inisyatiba ni 3rd district Congresswoman Maria Rachel Arenas at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para tugunan ang problema ng pagbaha sa mga flood-prone areas sa Pangasinan.
Para sa mga residente ng Brgy. Lasip, ang slope protection at kasabay na imprastraktura ay nagsilbing konkretong pruweba na naipatutupad ng tama ang mga proyektong pinopondohan ng gobyerno.
Ilan pa sa mga proyekto ng DPWH, base sa sumbongsapangulo.ph, ay kinabibilangan ng:
-Construction of Drainage– Cabilocaan to Bued;
-Construction of Slope Protection Works along Marusay River – Quesban, Lasip Section, & Poblacion East;
-Construction of Slope Protection Works along Ingalera River – Doyong Section, Songkoy Section, Dinalaoan, Lumbang Section, Macabito, Mancup & Malabago;
-Construction of Slope Protection (Phase I) – Dinalaoan; at
-Construction of Flood Control Structure along Parongking River – Ambonao & San Miguel (Phase I & II).
Samantala, ilan sa mga pangunahing contractors na nakapaloob sa mga proyektong ito ay ang:
-Jeusmack Builders & Construction Supply;
-Alphin Trading & Construction;
-Bet Construction & Supply;
-High Rock Construction and Supplies Incorporated;
-Berson’s Construction & Trading;
-Oriental Sales Center and Contractor;
-Alcel Construction;
-Manimelds Construction & Iron Works;
-Garcia Construction & Supply;
-Mightyway Construction and Supply;
-Ballesteros Construction and Supply; at
-Arcinue Commercial Corporation.