DAGUPAN CITY- Tulong-tulong ang mga residente ng Barangay Mayombo, lungsod ng Dagupan sa pag-apula ng apoy na sumiklab sa isang bahay, kaninang umaga.
Ayon kay Punong Barangay Arsenio Curameng II, ang insidente ay naganap sa tirahan ng isang residenteng mag-isang naninirahan, na agad lumabas ng kanyang bahay upang humingi ng saklolo matapos mapansin ang pag-uumpisa ng apoy.
Sa inisyal na imbestigasyon at salaysay ng lalaking naninirahan sa nasabing bahay, pinaniniwalaang nagsimula ang sunog mula sa isang posporong sinindihan at itinapon sa basurahan na naglalaman ng mga plastik.
Dahil dito, mabilis na kumalat ang usok sa loob ng bahay, partikular sa bahagi kung saan naroon ang mga plastic cabinet at computer na nadamay sa apoy.
Ayon pa sa punong barangay, agad namang tumugon ang mga residente sa panawagan ng tulong.
Gumamit sila ng water hose upang sugpuin ang apoy.
Habang nagsasagawa ng pag-apula, tinangka rin nilang basagin ang bintana upang mas madaling masabuyan ng tubig ang loob ng bahay.
Sa kabutihang palad, hindi na kinailangan pang sirain ang bintana dahil nakayanan nilang apulahin ang apoy sa kasalukuyang lagay nito.
Bagamat hindi naging malaki ang sunog, nagdulot ito ng makapal na usok dahil sa mga natupok na plastik na kagamitan.
Aniya na tinatayang nasa P20,000 hanggang P25,000 ang halaga ng mga nasirang kagamitan at parte ng bahay.
Dagdag pa ni Arsenio, sa gitna ng kanilang pagtutulungan, nakapag-ulat din agad siya sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para sa karagdagang suporta at dokumentasyon ng insidente.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng barangay ang mga residente na maging maingat sa paggamit ng mga bagay na maaaring pagmulan ng apoy.