DAGUPAN, CITY— Kasalukuyang nanunuluyan sa Pantal Elementary School ang mga residente na nasunugan sa barangay Pantal sa lungsod ng Dagupan kahapon.
Ito ay kasunod ng nangyaring insidente kung saan ay ginamit bilang evacuation center ang naturang paaralan para sa mga pamilyang nasunugan.

Nasa 23 mga kabahayaan kasiang tinupok ng apoy at 18 naman na pamilya ang nakatira sa mga ito.

Kasabay ng paglilikas sa mga residente ay nagpaabot naman na ang barangay council ng naturang lugar ng kaukulang tulong sa mga residente gaya na lamang ng mga pagkain at damit.

--Ads--

Ayon kay Lourdes Labongray, isa sa mga residente ng naturang barangay na nasunugan, maayos at malinis naman umano ang mga rooms na kanilang tinutuluyan sa ngayon.
Mahigpit din umano ang pagsunod nila sa mga ipinapatupad na mga health protocols upang makaiwas sa COVID-19.

Nangako naman ang mga barangay officials sa barangay Pantal sa mga residente na nasunugan sa kanilang lugar na tutulong sa mga pangangailangan ng mga ito.

Ayon kay Labongray,nagbigay na ng paunang tulong ang ilang mga barangay kagawad gaya na lamang ng mga pagkain at damit.

Nakausap na rin aniya sila ng mga ito ukol sa kanilang mga maitutulong sa mga residente na naapektuhan ng sunog at huwag umano silang mag-alala dahil tutugon kaagad ang kanilang tanggapan sa kanilang mga pangangailangan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng otoridad sa pinagmulan ng sunog na tumupok sa ilang mga kabahayan sa barangay Pantal sa lungsod ng Dagupan kahapon. (with reports from: Bombo Adrianne Suarez)