Sumailalim sa quarantine ang lahat ng punong barangay sa bayan ng Calasiao na kabilang sa mga dumalo sa isang pagpupulong matapos magpositibo ang isa nilang kasamahan sa rapid test.
Ito ay matapos malaman ang resulta sa isinagawang mass rapid testing sa lahat ng opisyal sa lahat ng kapitan sa barangay sa idinaos na pagpupulong na kasama ang Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) noong Mayo 28.
Ayon sa anunsyo ni Mayor Joseph Arman Bauzon sa kanyang Facebook post, dahil nagpositibo umano ang isa sa kanilang mga punong barangay ay mas minabuti na lamang ng kanilang tanggapan na i-quarantine lahat ng mga punong barangay na dumalo sa nasabing pagpupulong.
Sinabi rin ng naturang alkalde na nagsagawa ulit ang kanilang Rural Health Unit ng panibagong rapid test para sa naturang punong barangay ngunit kalaunan ay negatibo na ang resulta.
Base na rin sa kompirmasyon ni Dr. Jesus Arturo de Vera, municipal health officer ng nabaggit na bayan na ang naturang pasyente ay asymptomatic sa naturang virus, at ngayon ay ina-isolate na ito sa kanilang quarantine facility at nasa ilalim ng strict monitoring ng mga local health personnel.
Dahil dito, napagpasyahan ni Bauzon na ang lahat ng mga kapitan na dumalo sa naturang pagpupulong ay dadaan sa 14 na araw na quarantine para na rin sa kaligtasan ng kanyang nasasakuan.
Samantala, negatibo naman ang lahat ng sumailalim sa isinagawang mass testing sa kanilang bayan noong Mayo 30 at hinihintay na lamang ang resuta ng swab test ng lahat ng nakasalamuha ng nagpositibo sa naturang sakit sa nabanggit na bayan.