No show ang mga pulitiko sa isinagawang Unity Walk sa lungsod ng Dagupan kahapon na naglalayong maisakatuparan ang mapayapang halalan sa darating na Mayo a-nuebe.
Ayon kay Fr. Stephen Espinoza, Dagupan Priest coordinator ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Lingayen, binansagang Lakad Pangasinan, ang Unity walk ay dati nang ginagawa sa mga nakalipas na eleksyon.
Layunin nito na iparating sa mga mamamayan na lahat ay nagkakaisa upang panatilihing mapayapa ang eleksyon.
Inaanyayahan ang mga pulitiko na makilahok sa aktibidad para maipakita sana na kahit magkakalaban o magkakatunggali ay iisa ang layunin nila.
Pero dahil sa pandemya at malapit na ang halalan ay hindi ngayon nakilahok ang mga pulitiko marahil sa pag ingat na rin pero marami sa mga volunteer mula sa ibat ibang lugar kasama ang PNP, comelec officials at mula sa kanilang hanay ang sumama sa unity walk.
Ang Lakad Pangasinan for Secure Accurate, Free and Fair National and Local Elections 2022 ay pinangunahan ng Pangasinan Provincial Police Office na naglalayong magbigay kamalayan sa mga botante para sa darating na eleksyon.
Katuwang din sa naturang aktibidad ang Commission on Elections Pangasinan at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Pangasinan.