Ipinag-utos ni Pangasinan PNP Provincial Director Police Col. Redrico Maranan ang imbestigasyon kaugnay sa isinagawang operasyon ng ilang kapulisan sa pag iimplementa ng search warrant sa tahanan ng isang dating punong barangay sa bayan ng Urbiztondo kung saan naniniwala ang mga kaanak nito na may nangyaring “tanim ibedensiya”.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Maranan na inutusan na niya ang hepe ng Urbiztondo PNP na makipag ugnayan sa pamilya Ferrer at kumuha ng mga larawan o video na kuha nila sa isinagawang search warrant sa loob ng tahanan ni dating punong barangay Teofilo Ferrer ng Brgy Camanbugan.
Aniya naiintindihan nila ang damdamin ng mga nagiging subject ng search warrant maging ng pamilya nito ngunit naging karaniwan na aniya na hanapan ng kamalian ang mga kapulisan sa isinasagawang operasyon ngunit igniit na hindi niya denedepensahan ang kapulisan.
Kapag nakitang may pagkakamali o pagkukulang ay tiniyak niyang mananagot ang mga ito.
Inihayag naman ng opisyal na may mga kuhang video na iprenesenta ang mga pulis na nagsagawa ng operasyon habang ipinapatupad ang search warrant.
Sa ngayon aniya ay hinihintay niya na maghain ang mga ito ng reklamo para maliwanagan sila sa mga akusasyon laban sa mga pulis na nagsagawa ng search warrant.
Nauna rito inakusahan ng pamilya ni Ferrer ang ilang pulis ng “tanim ebedensiya” na nagsagawa ng search warrant sa loob ng tahanan nito .
Nang ipatupad umano ang search warrant sa tahanan ng dating punong barangay ay naging kwestyunable at kaduda duda ang isinagawang operasyon.
Bagamat nakauniporme ay nakasuot naman ang mga kapulisan ng mask.