Hindi na kailangang dumaan sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) ng mga Public Utility Jeepney (PUJ) na kaanib sa AutoPro Pangasinan.

Bagay na ikinatuwa ng maraming jeepney operators sa lalawigan ngayong nasa kasagsagan pa rin ng COVID-19 pandemic.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay AutoPro Pangasinan President Bernard Tuliao, sa kanilang pagpupulong kasama ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ay nabigyan umano sila ng 30 araw mula Pebrero 4 hanggang Marso 4 ngayong taon na ibalik sa emission centers ang naturang mga pampasadang sasakyan upang lahat ng hindi rehistradong jeepneys na nagtatapos sa numero ng plakang 1, 2, at 3 ay makapag rehistro pa.

--Ads--
Voice of AutoPro Pangasinan President Bernard Tuliao

Binigyang diin din nito na sila ay sang-ayon sa bagong panuntunang PMVIC at maganda umano ang hangarin nito ngunit mayroon lamang silang mga nilinaw na kahilingan.

Kasama riyan ang pagbawas-singil ng PMVIC sa P1,500 na inspection fee, at pag-alis na sa P750 na re-inspection fee kung sakali mang hindi pumasa sa unang pagsusuri.

Pinasiguro naman umano sa kanila ni LTO Regional Director Atty. Teofilo E. Guadiz III na kanila itong ipararating sa kanilang central office upang mapagbigyan ang kanilang requests.