Dagupan City – Naglatag ng iba’t ibang programa para sa kababaihan, lalo na para sa mga solo parent, si 5th District Pangasinan Board Member Rose Apaga bilang bahagi ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong Marso.

Ayon kay Apaga, kabilang sa mga nakahandang aktibidad ang nail care program na isasagawa sa Marso 27 na layong mabigyan ng kaunting tulong at pagkakataon ang mga solo parent na makapaglaan ng oras para sa kanilang sarili.

Binigyang-diin ng opisyal na mahalagang mabigyan ng suporta ang mga solo parent dahil sa mga hamong kanilang kinakaharap sa pagpapalaki ng kanilang mga anak nang mag-isa.

--Ads--

Bukod dito, may inihanda ring Zumba activity na layong magbigay ng kasiyahan at pagkakataon sa mga kababaihan na makapag-ehersisyo at makapagtipon bilang bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month.

Ibinahagi rin ni Apaga na may plano pa siyang magdagdag ng iba pang aktibidad sa mga susunod na araw ng Marso upang higit pang mapalawak ang mga programang nakalaan para sa kababaihan sa kanyang nasasakupan.

Samantala, nakatakda rin umanong dumalo ang board member sa isang convention kasama ang mga babaeng mambabatas, kung saan layunin nilang palakasin ang ugnayan at mas mapaigting ang mga programang nagtataguyod sa kapakanan at kakayahan ng kababaihan.