Dagupan City – Pinalakas ng mga pamahalaang panlalawigan ng Region 1 ang mga programa para sa mga mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabagong kagamitan, pagsasanay, at mga alternatibong kabuhayan upang mapataas ang kita at mapanatili ang likas-yamang dagat.
Sa tulong ng Provincial West Philippine Sea Council at Environment and Natural Resources Office, nakakatanggap ang mga samahan ng mangingisda ng suporta tulad ng modernong kagamitan, insurance para sa Bantay Dagat, at iba’t ibang capacity-building activities.
Kabilang sa programa ang pagsasanay sa packaging, bottling, at marketing ng produkto, kung saan maaari rin nilang ipakita ang kanilang mga produkto sa LGU One Town, One Product (OTOP) Innovation Hub.
Layunin ng mga hakbang na ito na palawakin ang pinagkakakitaan ng mga komunidad at palakasin ang kanilang kakayahan sa pamamahala ng kabuhayan.
Binigyang-diin din ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa sa pangingisda, lalo na laban sa ilegal na quarrying, pati na rin ang usapin sa fishery privileges, scholarships, at relokasyon ng mga nakatira sa no-build zones sa baybayin.
Iginiit ng pamahalaan na mahalaga ang mga programang ito hindi lamang sa proteksiyon ng yamang-dagat kundi pati sa pangmatagalang kabuhayan ng mga mangingisda sa buong rehiyon.










