DAGUPAN CITY- Pinarangalan ng pamahalaang bayan ng Calasiao ang tatlo sa pinakamatatandang nabubuhay na senior citizens sa bayan bilang pagkilala sa kanilang mahabang buhay, sakripisyo, at patuloy na inspirasyon sa komunidad.

Sa isang simpleng seremonya, ginawaran sila ng pagkilala at munting regalo bilang tanda ng pasasalamat ng lokal na pamahalaan.

Kabilang sa pinarangalan sina Juana Parajas, 98 taong gulang mula sa Barangay Bued; Milagros Gabiola, 97 taong gulang mula sa Barangay Quesban; at Eusebia Quinto, 95 taong gulang mula sa Barangay Ambonao.

--Ads--

Sa kabila ng kanilang katandaan, sila ay nananatiling matatag, mapagmahal sa pamilya, at patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan.

Layunin ng pagkilalang ito na hindi lamang pasalamatan ang mga senior citizens sa kanilang naging ambag sa lipunan, kundi iparating din ang pagpapahalaga sa kanilang presensya na patuloy na nagbibigay ng dunong at gabay sa mga susunod na henerasyon.

Isa rin itong paalala sa buong komunidad na alagaan, respetuhin, at mahalin ang mga nakatatanda.

Ang programa ay bahagi ng adbokasiya ng lokal na pamahalaan na bigyang-halaga ang kalagayan ng mga senior citizens sa Calasiao, alinsunod na rin sa mga layunin ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) na mapabuti ang kanilang kalusugan, kapakanan, at kabuhayan.