Magsisimula na ang Ramadan ng mga Muslim, kabilang ang mga person deprived of liberty o PDL sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology.

Sinimulan ang banal na buwan matapos ang isinagawang moonsighting kamakailan.

Kagabi isinagawa ang unang tarawih o gabi-gabing panalangin, habang ngayong araw ang unang araw ng pag-aayuno.

Sa loob ng mga kulungan, makikibahagi ang mga Muslim na PDL, kung saan may hiwalay na dormitoryo para sa mga babae at mas marami ang mga lalaki sa male dormitory.

--Ads--

Ayon kay JO3 Lorena C. Coquia, Unit Chief Community Relations Service Officer ng Urdaneta District Jail Female Dormitory, hindi pipigilan ang sinumang nais mag-ayuno at igagalang ang kanilang relihiyon.

Inihahanda rin ang iskedyul ng pagkain, kabilang ang pagkain bago ang fajr o madaling-araw na panalangin, habang magpapatuloy sa tungkulin ang mga jail officer na Muslim at mananatili ang regular na operasyon at seguridad sa mga pasilidad.

Ibinahagi rin ni JO3 Lorena C. Coquia na pinapayagan na ang pagsusuot ng hijab ng mga jail officer sa Bureau of Jail Management and Penology bilang bahagi ng paggalang sa relihiyon ng mga kawani. Siya ang nagpanukala na payagan ang mga kababaihang Muslim na magsuot nito bilang bahagi ng kanilang uniporme.

May panuntunan sa pagsusuot ng hijab kung saan itim lamang ang maaaring gamitin ng mga uniformed personnel upang manatiling maayos at magkakapareho ang kanilang uniporme.

Ayon kay Coquia, ipinatutupad ito kasabay ng patuloy na pagsunod sa mga alituntunin sa disiplina at seguridad sa mga pasilidad.