Muling hinimok ni Pangasinan Governor Amado I. Espino III ang patuloy na partisipasyon ng mga Pangasinense sa isinasagawang vaccination roll-out sa buong probinsya.
Sa kanyang uploaded video message sa official Facebook page na Province of Pangasinan Official nitong Oktubre 27, nabanggit ni Gob. Espino na layon ng Pamahalaang Panlalawigan na mabakunahan ang 70% ng eligible population upang makamit ang herd immunity sa lalawigan bago matapos ang taon.
Nagpasalamat din ang gobernador sa national government sa tulong ng Department of Health sa kanilang patuloy na suporta sa vaccination roll-out program sa Pangasinan.
Mula noong magsimula ang province-wide vaccination hanggang nitong Oktubre 25, higit sa 969,000 Pangasinenses or 49% ng total eligible population ang nabakunahan na.
Nasa 22% nito ang nakatanggap ng full vaccination samantalang 27% ang nakakuha ng kanilang first dose.
Muli ring hiniling ng ama ng lalawigan ang pakikiisa ng bawat Pangasinense sa vaccination roll-out sa Pangasinan na nakatulong upang bumaba ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Nabanggit din ni Gob. Espino na noong Oktubre 23, nasa 81 ang recorded new COVID-19 case – higit na mas mababa kumpara sa all-time high figure na 878 new active cases noong Setyembre 23. Dagdag pa niyo, mayroong 1,148 active cases ang naitala noong Oktubre 23 kumpara din sa recorded peak noong Setyembre 12 na 4,844 cases.
Dahil dito, hiniling ni Gob. Espino sa National IATF na ibaba ang quarantine classification ng probinsya sa Modified General Community Quarantine o MGCQ.
Nagpasalamat din ang Gobernador sa pagkakaisa at sakripisyo ng bawat Pangasinense. Hiningi din ni Gob. Espino ang patuloy na disiplina at pagmamahal sa pamilya upang malampasan ang mga hamong dala ng pandemya.
Nitong Oktubre 22, nagbigay ng letter of appeal ang Gobernador sa the National Inter-Agency Task Force (IATF) upang ibaba ang quarantine classification ng Pangasinan sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) mula November 1, 2021.
Nagpasa rin ng Provincial Task Force on COVID-19 ng resolution sa IATF-EID kaugnay nito.