DAGUPAN CITY— Hindi pa kaagad makakabiyahe ang mga pampublikong sasakyan dito sa lalawigan ng Pangasinan sa kabila ng pagsisimula na ng General Community quarantine ngayong araw.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bernard Tuliao, Presidente ng Autopro Pangasinan, inihayag nito na hindi pa mapapahintulutan ang mga drivers na makakapagbiyahe sapagkat dadaan pa umano ang mga ito sa mga proseso bago mapayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aniya kailangan umano ng mga transport groups dito sa probinsya na mag-file ng issued permit to operate sa isang ruta, pagkuha ng clearance mula sa mga Local Government Unit (LGU), at dadaan sa inspeksyon ng Land Transportation Office (LTO) upang mapayagan silang makabiyahe at first come first serve ang pagfile sa naturang permit.
Dagdag pa nito, na posibleng sa susunod na linggo pa maaring makabiyahe ang mga sasakyan na aprubado ng LTO dito sa lalawigan dahil sa May 20 magbubukas ang opisina ng LTFRB.