Dagupan City – Inaasahang mas lalakas pa ang nararanasang mga pag-ulan at malalakas na hangin sa bansang China dahil sa hagupit ng super Typhoon Yagi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dan Sicado, Bombo International News Correspondent sa China, muli kasing naranasan ang mga pag-ulan sa kaniyang kinaroroonan at inaasahang lalakas pa mamayang gabi.

Dahil dito, kanselado ang pasok ng mga mag-aaral at mga opisina.

--Ads--

Dagdag pa ang pagkansela ng ilang mga flights sa mga siyudad sa southern China habang patungo sa holiday island province ng Hainan.

Ipinagpapasalamat naman nito ang pagiging handa ng pamahalaan sa bansa dahil kada oras ay may mga updates na nagmumula sa kanila kung saan ay nakahanda ang mga ito sa anumang banta ng bagyo.

Samantala, inihahanda na rin ng kanilang pamahalaan ang pagsasara ng ilang mga bridge habang nakatakda namang magbukas ang ilalim na tunnel na siyang maaring daanan.

Ayon sa Hainan Meteorological Service forecast, maaaring ito ang pinakamalakas na bagyong tatama sa lugar makalipas ang isang dekada dahil itinaas na sa typhoon signal No.8 ang lakas ng bagyo, ito umano ang third-highest warning sa ilalim ng weather system ng lungsod.

Sa kabila nito, wala pa namang mga evacuation areas na bukas dahil maayos at matibay ang mga imrastraktura sa bansa.