BOMBO DAGUPAN- Bumalik na sa regular na klase ang lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa syudad ng Urdaneta makalipas ang ilang araw na pagsususpend dahil sa sama ng panahon.
Ayon kay Aguedo Fernandez, Schools Division Superintendent, School Division Office sa nasabing lungsod, sa kaniyang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, magtutuloy-tuloy na ang regular na klase dahil wala naman aniya silang naitalang pinsala na iniwan ng mga nagdaang bagyo sa kanilang nasasakupan.
Magsususpinde na lamang sila kung may inilabas na suspension of classes announcement ang Provincial government at ang kanilang lokal na pamahalaan.
Batay din sa kanilang sinusunod na polisiya ng Department of Education, awtomatikong sinusupinde ang klase kung nakapagtala na ng warning signal dahil sa sama ng panahon. Mayroon din kapangyarihan ang school heads na magdeklara ng class suspension o localized suspension.
Kamakailan na din nagkaroon ng pagsuspinde ng klase sa kanilang syudad dahil sa naranasang pag uulan, partikular na noong lunes at martes.
Samantala, nagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante nang magkaroon ng suspensyon dahil nakahanda ang kanilang mga paaralan para magpatupad ng modular learning.
Kaugnay nito, tiniyak ni Fernandez magpapatuloy din ang kanilang quarter test at hindi magkakaroon ng saturday classes dahil hindi naman nahuli sa mga lessons ang mga mag-aaral.
Dagdag pa niya, kung sa tingin naman ng mga magulang ay hindi pa ligtas para sa pumasok ang kanilang anak, mas mabuting hindi na nila itong papasukin pa.
Sa kabilang dako, pinaghahandaan na din ng kanilang opisina ang nalalapit na pagdiriwang ng World’s Teachers Day.
Magkakaroon aniya sila ng mga aktibidad para sa mga kaguruan sa Oktubre 3, gaganpin sa Urandeta Cultural and Balibayan Center.
Kasunod nito ang kanilang paghahanda naman sa Intramurals at Cluster meet.