DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na rin ng mga paaralan sa syudad ng Urdaneta ang banta mula sa naitatalang mataas na heat index sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Aguedo Fernandez, Schools Division Superintendent ng School Division Office-Urdaneta City, pinalilimitahan na ang mga aktibidad sa labas ng silid aralan lalo na sa oras na nararanasan na ang init ng panahon.

Aniya, inaabisuhan nila na kung hangga’t maaari ay manatili na lamang sa loob ng silid-aralan ang mga estudyante.

--Ads--

Gayundin sa parating pagdala ng panangga sa init ng araw at ang pagbaon ng mga tubig at pagkain.

Pinaalalahanan naman nila ang mga mag-aaral na suotin na lamang ang mga damit na kumportable sila at presko sa kanilang pakiramadam.

Ani Fernandez, ‘manageable’ naman ang bilang ng mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan kaya hindi rin problema ang karagdagang init at sapat rin naman ang bentilasyon.

Binibigyan din ng ‘drinkable waters’ ang mga paaralan upang may refilling stations para sa mga mag-aaral.

Gayunpaman, nakapagtala sila ng isang mag-aaral na nag-nosebleed dahil sa init ng panahon subalit, tiniyak ni Fernandez na may nakahanda silang clinic teacher sa mga paaralan upang makapagbigay ng karamptang aksyon.

Samantala, sinabi rin ni Fernandez na may kapangyarihan ang mga paaralan na magsuspinde ng klase kung makararanas sila ng mataas na init ng panahon.

Gagamit na lamang ng mga modular learning materials upang tuloy-tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante.

Dagdag pa niya, may karapatan din ang mga mag-aaral na hindi na lamang pumasok kung ramdam nila ang sobrang init ng panahon basta lamang ay ipagpaalam nila ito sa kanilang adviser.