DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin inilalaban ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) nabiktima ng human trafficking sa Syria ang isinampa nilang kaso laban sa ambassador ng Pilipinas sa nasabing bansa.

Sa ibinahaging karanasan ni Lucy Ortega, isa sa mga biktima, sa Bombo Radyo Dagupan, nakaranas sila ng 10 taon na hindi nakatanggap ng sahod sa pinasukang amo sa Syria dahil sa produkto ito ng nasabing krimen.

Kaya sa taon 2021 nang makauwi sa Pilipinas ay nagsampa sila ng kaso subalit maging ito ay naghatid ng pagsubok para sa kanila at hanggang sa ngayon ay wala pang pag-usad na nagaganap.

--Ads--

Aniya, pinagpasa-pasahan lamang sila ng Ombudsman at Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi rin niya na dumako na rin sila sa Department of Migrant Workers (DMW) kung saan pinangakuan naman sila ng ibang tulong sapagkat hindi na sila pasok sa action plan ng ahensya.

Paghihirap din ang kanilang naranasan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa inilapit nila na financial assistance.

Lumapit na rin sila kay Sen. Raffy Tulfo at ipinangakong iimbitahan siya sa senate hearing bilang lider ng mga biktima.

Hindi maitago ni Ortega ang pagkadismaya sa usad-pagong na progreso sa kanilang kaso at tila hindi naman binibigyan ng karamptang aksyon ng gobyerno.

Higit isang taon na rin nilang pinanghahawakan ang mga pangako na natanggap mula sa mga ahensya.

Giit niya na nawawala na ang hustisya para sa kanila dahil hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang mga nabibiktimang mga Pilipino.

Gayunpaman, patuloy pa rin nilang hinihiling sa gobyerno na bigyan na ito ng pansin.

Samantala, matapos ang naranasan sa Syria, ilan lamang sa kanila ang muling sumubok na makipagsapalaran sa ibayong dagat. Habang ang karamihan ay may takot nang muling bumalik.