DAGUPAN CITY- Labis na ikinatuwa at nagpapasalamat ang mga pamilyang naulila ng mga biktima ng War on Drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-usad sa matagal na nilang pinaglalaban dahil sa hindi nila inaasahang pagkakaaresto ng dating pangulo.
Sa eksklusibong panayam kay Alyas “Domeng”, kapatid ng isa sa mga biktima ng ‘War on Drugs’, patuloy pa ang kanilang paglaban hanggang sa tuluyang mapanagot si Duterte at ang mga kasamahan nito.
Sa pagsasalaysay niya, tila nabunutan sila ng tinik nang mabalitaan ang pagkaaresto sa dating Pangulo makalipas ang mahabang panahon na kanilang paghihintay.
Nagkaroon aniya sila ng pagtitipon sa Sacred Heart sa Kamuning, Quezon City kung saan nagsagawa sila ng misa na pinangunahan ni Father Flavie Villanueva.
Samantala, nagbalik tanaw si Domeng sa kanilang karanasan kung saan pinaslang ang kaniyang kapatid ng hindi kilalang armado at naka-maskarang mga kalalakihan.
Aniya, may hinahanap umano itong isang tao at nasaktuhan na nakatambay ang kaniyang kapatid sa labas ng bahay ng hinahanap ng mga ito.
At makalipas ng napakahabang panahon ay walang napanagot sa pagpaslang sa kaniyang kapatid.
Matibay na pinaniniwalaan ni Domeng na tanging si dating pangulo ang dapat sisihin dahil sa naging pamamalakad nito sa kaniang kampanya kontra illegal na droga.
Gayunpaman, makalipas ang pamamaslang ay naging katulong ng mga naulilang pamilya ang mga simbahan para masuportahan ang kanilang pangangailangan.
Dagdag pa ni Domeng na hindi nila masisisi ang patuloy na sumusuporta sa dating pangulo dahil hustisya ang kanilang hinahanap gamit ng mga ebidensya na inipon nila.
Aniya, hindi matatapos ang kanilang paglaban sa arrest warrant laban sa dating pangulo dahil gusto nila itong mapakulong at tuluyang mapanagot sa mga kasalanan nito.