Lumobo na sa higit 2,700 ang mga nasawi sa naranasang 7.7 magnitude Earthquake sa Myanmar, habang higit 4,500 naman ang naitalang sugatan.
Subalit, maliban diyan, nahaharap ngayon ang nasabing bansa sa kakulangan ng suplay sa shelter, malinis na tubig, at medisina dulot ng mga napinsalang pasilidad.
Ayon sa United Nations’ Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA), karamihan ngayon sa mga apektadong lugar ay natutulog na lamang sa mga bukas na espasyo dahil sa walang suplay ng kuryente at tubig.
Itinaas na rin ng ilang UN Agencies ang pagkabahala sa kakulangan ng suplay sa tubig na maaaring magpakalat ng cholera.
Sinabi naman ng World Health Organization na nagkakaubusan na rin ng medical supplies sa mga pagamutan, gayundin sa shortage ng malinis na tubig at fuel.
Maliban pa riyan, tinukoy ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) ang sitwasyon bilang isang top-level humanitarian crisis.