Isinagawa ang Ceremonial Destruction and Disposal ng mga nasabat na ilegal na paputok, boga o improvised cannon, at mga isinukong loud at resounding mufflers bilang bahagi ng patuloy na pinaigting na kampanya ng lokal na pamahalaan para sa kaayusan, kaligtasan, at katahimikan sa Lungsod ng San Carlos.
Kasama sa winasak at itinapong mga ipinagbabawal na gamit ang kabuuang 139 na nakumpiskang mufflers na itinuturing na sanhi ng labis na ingay at panganib sa publiko.
Pinangunahan ang programa nina City Mayor Julier C. Resuello at Vice Mayor Joseres Resuello, katuwang ang Philippine National Police sa pamumuno ni PLTCOL Zaldy C. Fuentes, kasama ang iba pang opisyal at kawani ng pamahalaan.
Iginiit ng mga opisyal ang kahalagahan ng disiplina at pakikiisa ng mamamayan upang mapanatili ang isang ligtas at maayos na lungsod.
Binigyang-diin din ng pamahalaang lungsod na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay at pagpapatupad ng mga regulasyon laban sa ilegal na paputok, maingay na sasakyan, at iba pang paglabag, bilang bahagi ng pangmatagalang adbokasiya para sa kapakanan at kapanatagan ng lahat ng residente ng San Carlos City.










