Dagupan City – Umabot na sa tinatayang higit 33 indibidwal ang mga naitatalang fireworks related injury sa rehiyon 1 ngayong buwan.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Health Officer IV ng Center for Health Development ng Department of Health Region 1, karamihan sa mga ito ay kalalakihan na nasa 10 hanggang 14 taon gulang, kung saan 27 rito ay nagkaroon ng blast or burn injury, 3 naman ang naputulan ng bahagi ng katawan at 3 rin ang naitalang eye-injury.
Samantala, ang lalawigan ng Pangasinan naman ang may pinakamaraming datos na nasa higit 26, habang 5 naman ang naitala sa La Union, at tig-isa naman Ilocos Sur at Ilocos Norte.
Kaugnay nito, naitala rin sa lalawigan partikular na sa syudad ng Dagupan ang pagkasawi na may kaugnayan sa pagsabog paputok, kung saan sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbistigasyon sa nangyaring insidente.
Panawagan naman ni Bobis sa publiko, ipagdiwang ang bagong taon ng mag-kakasama at iwasan ang paggamit ng paputok at gumamit na lamang ng alternatibong kagamitan pampaingay, nang sa gayon ay makaiwas din sa anumang pinsala.