DAGUPAN CITY- Nagkaroon ng 16% pagbaba ng bilang sa mga nabiktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon ngayon taon kumpara sa nakaraang 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheul Bobis, Medical Officer ng Department of Health-Center for Health Development Region 1, Pangasinan ang may pinakamalaking kaso sa buong rehiyon uno.
Aniya, pinakasanhi ng fireworks-related injuries ay ang boga, kasunod ang kwitis at ang five star.
Mga kabataan na nasa edad 10-14 ang karamihang apektado sa naturang mga insidente, habang kalalakihan naman ang may maraming bilang na nabiktima.
Kabilang na sa mga nabiktima ay ang kamakailang napaulat sa lungsod ng Dagupan na direktang tinamaan ng paputok ang mukha nito.
Sinabi naman ni Dr. Bobis na tulong-tulong ang mga kinauukulan sa pagpapakalap ng mga impormasyon kaugnay sa kapahamakan na dulot ng paputok.
Nagpapasalamat naman siya sa mga naging bukas at nakinig at talagang nagbawas sa paggamit ng paputok upang makiisa sa pag-iwas sa mga firework-related injuries.
Samantala, bagaman marami pang kailangan ikonsidera sa pag-ban ng paputok, ay kanilang inirerekomenda na lamang ang paggamit sa mga alternatibong paputok.
Kaugnay nito, marami pa rin ang gumagamit ng paputok at boga kahit tapos na ang pagsalubong ng bagong taon.
Ito rin ang dahilan kung bakit nakataas pa rin ang Code White Alert Status sa buong rehiyon hanggang January 6.