DAGUPAN, CITY— Kasalukuyang nakadetine na sa Basista Municipal Police Station, Pangasinan ang tatlong akusado na kabilang sa gunmen na nasa likod ng pananambang kay dating 5th district Representative at Governor Amado Espino Jr. noong September 11, 2019 sa siyudad ng San Carlos matapos maaresto sa Barangay Poblacion ng San Juan, Batangas nitong February 7, 2021.
Ayon kay PNP Regional Director PBGen. Emmanuel Peralta ng Police Regional Office 1 na patuloy na iniimbestigahan pa rin sa ngayon ang nahuling tatlong akusado para matukoy kung sino ang mastermind o kung may iba pang utak sa likod ng krimen.
Sa ngayon kasi hindi pa aniya lubusang nagpapahayag ang mga naarestong suspek na sina Albert Palisoc, Benjie Resultan at Armando Frias Jr., sa kanilang nalalaman sa krimen kung kayat masusing iimbestigahan aniya ang bawat statement mula sa mga suspek at hahanapan ng supporting evidences.
Isa sa tutukan sa imbestigasyon ang pagberipika sa pagkamatay ng itinuturong mastermind na si dating Pangasinan Board Member Raul Sison na pinaniniwalaang namatay dahil sa covid19 virus. Gayundin ibibirepika kung ang mga nahuling suspek ay miyembro ng Raul Sison criminal group.
Nauna rito, napag-alamang nagtago ang tatlong suspek sa barangay Escribano sa bayan ng San Juan, Batangas sa loob ng mahigit isang taon at naaresto sa harap ng bangko sa barangay Poblacion kung saan sa kasagsagan ng inimplementang warrant of arrest, narekober ang mga kontrabando mula sa mga naarestong suspek na dalawang Caliber 45 pistol, mga bala at pekeng Identification card gaya ng pekeng driver licence at pekeng Unified Multi-purpose ID (UMID) na ginagamit ng mga suspek sa pagwithdraw ng pera mula sa kanilang financer.
Isinumite na rin sa crime laboratory para sa ballistic examination ang mga narekober na dalawang caliber .45 pistol at mga bala mula sa mga akusado.
Kung matatandaan noong October 1, 2019, sinampahan ng kasong murder, attempted murder at frustrated murder ang 12 sa pinangalanang mga suspek sa pananambang kabilang na ang sampung John Does kung saan apat na sa kabuuan ang naaresto. (with reports from: Bombo Everly Rico)