DAGUPAN, CITY— Nagpaabot ang mga miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) ng pakikiramay sa pamilya ng yumaong sundalo na tubong Lingayen, Pangasinan matapos itong masawi sa isinagawang law enforcement operation laban sa isang most wanted person sa Lanao del Norte noong Mayo 8.

Ayon kay PLt. Col. Ryan Manongdo, Public Information Officer ng PNP-SAF, lubos ang kanilang pagdadalamhati sa pagkakasawi ng kanilang ka-baro na si Pat. Jan Oliver Rodriguez sa kasagsagan ng kanyang paggampan niya sa kanyang tungkulin.

Aniya, bumuo ang kanilang hanay ng grupo upang tumugon para matugunan ang mga pangangailangan ng mga naulilang pamilya ng naturang sundalo.

--Ads--

Nakarating naman umano kaagad ang labi ni Rodriguez sa kanyang tahanan sa bayan ng Lingayen kasama ang ilang mga miyembro ng SAF na tutulong sa gaganaping burol at pagpapalibing sa kanya.

Matatandaang pina-ulanan ang grupo ng SAF ng bala ng suspek dahilan para mag retaliate ang mga ito na siya namang ikinasawi ni Rodriguez habang sugatan ang dalawa nitong kasamahan na nakilalang sina PCpl. Michael Aidan Troy Abella at Pat Cris Daryl Dolo.

Dagdag pa ni Manongdo, nagsagawa ng joint operation ang 12 Special Action Company (12SAC) bilang main tactical support elements kasama ang ilang mga PNP units para isilbi ang warrant of arrest laban sa isang Naen Ampatuan Tumog sa Barangay Rebucon, Nunungan, Lanao del Norte na isang umanong itinuturing na “notorius” sa kanilang lugar.

Ang suspek na si Tumog ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013.