Nagpalaot na ang karamihan sa mga mangingisda sa Tondaligan beach dahil sa gumagandang panahon.

Isa ang grupo nina Jeron De Vera Paras sa mga nangisda ngayon araw matapos ang pagkahinto nila ng ilang linggo dahil sa mga bagyo at tuloy-tuloy na ulan dala ng habagat sa nakalipas na araw.

Ayon dito na nasa 4 na kilo na hasa-hasa at alimasag at 1 kilong alupihang dagat ang kanilang nakuha.

--Ads--

Agad naman nila itong naibenta kung saan nakakasapat naman para sa kanilang nakunsumong gasolina at pambili ng kanilang pangangailangan.

Papalipasin naman anila kung madami ang magiging huli ng iba pa nilang kasamahan upang kung sakali ay makabalik sila ngunit kung wala naman ay baka bukas na sila makabalik.

Saad nito na binibigyan naman nila ng prayoridad ang kanilang kaligtasan habang nasa laot kung saan ay kanilang masusing tinitignan ang mga parte ng kanilang bangka para hindi magkaproblema sa dagat.

Samantala, wala namang nang nakataas na gale warning sa lalawigan ngunit inaabisuhan parin ang lahat ng mga mangingisda sa mapanganib na paglalayag dulot ng pabago-bagong kondisyon ng panahon.

Inaasahan kasi ngayong araw ang katamtaman hanggang sa malalakas na alon na 𝗺𝗮𝗮𝗮𝗿𝗶𝗻𝗴 𝘂𝗺𝗮𝗯𝗼𝘁 𝗻𝗴 3.4 𝗻𝗮 𝗺𝗲𝘁𝗿𝗼.