DAGUPAN CITY- Nanawagan ang grupong Workers for People’s Liberation ng mas konkretong aksyon mula sa pamahalaan upang tugunan ang patuloy na suliranin ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng tumataas na inflation at hindi pantay na pakinabang mula sa paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Primo Amparo, Secretary General ng grupo, sa kabila ng naipapakitang bayanihan tuwing may kalamidad o noong panahon ng pandemya, nananatiling hamon sa mga manggagawa ang kawalan ng regular at produktibong trabaho.
Marami umano ang nagsusumikap na magtatag ng production cooperative, ngunit hindi ito ganap na umuunlad dahil hindi lahat ng kasapi ay may sapat na kakayahan o kaalaman sa ganitong gawain.
Tinukoy rin ni Amparo na iisa ang panawagan ng kanilang hanay, ito ay ang pagkakaroon ng trabahong regular na nakatuon sa sariling produksyon o mga produktibong trabaho mula sa lokal na industriya.
Patuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang labor groups upang pagtibayin ang panukalang dagdag na 200 piso sa arawang sahod.
Hiling ng grupo na i-certify ito bilang isang priority legislation ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at hindi lamang idaan sa wage board, upang maging batas na may mas matibay na epekto sa lahat ng manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.
Giit ni Amparo, ang pagkakaroon ng living wage ay hindi lamang panawagan kundi isang pangunahing pangangailangan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Kailangan aniya ng agarang tugon upang mapanatili ang dignidad at seguridad sa kabuhayan ng mga manggagawang Pilipino.