DAGUPAN CITY—Nanawagan ang sektor ng paggawa sa pamahalaan na huwag silang kaligtaan sa mga usaping may direktang epekto sa kanilang kabuhayan, ayon kay Atty. Sonny Matulad, Presidente ng Federation of Free Farmers.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Matula na dapat isama ang mga manggagawa sa mga talakayan hinggil sa mga panukala at pagpapatupad ng mga polisiya, lalo na ang may kinalaman sa epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng isang national summit upang magkaroon ng malawakang dayalogo sa pagitan ng pamahalaan at iba’t ibang sektor, kabilang ang mga manggagawa. Aniya, mahalagang marinig ng Pangulo ang tinig ng uring manggagawa upang makabuo ng mga hakbang na kapaki-pakinabang sa buong bansa, at hindi lamang sa iilang sektor.
Muli rin niyang binuhay ang panawagan para sa umento sa sahod, na aniya’y tila nakaligtaan na ng administrasyon, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe.
Tinukoy rin niya ang umano’y hindi pagkakatugma at kakulangan sa koordinasyon ng pamahalaan sa pagpapatupad at pagbawi ng mga polisiya, partikular sa usapin ng taas-pasahe.
Sa huli, iginiit ni Matula na kinakailangan ang tuloy-tuloy at seryosong dayalogo upang mas mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa bansa.










