Nakikiisa ang St. John the Evangelist Cathedral dito sa lungsod ng Dagupan sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mananampalataya na magsuot ng puti tuwing Linggo at maglagay ng puting laso bilang simbolo ng paglaban sa korapsyon at pakikiisa sa panalangin para sa mga nasalanta ng sakuna.
Ayon kay Fr. Manuel S. Bravo Jr., Parish Priest ng Simbahan na buong suporta ang kanilang simbahan sa nasabing utos upang labanan ang korapsyon sa bansa.
Bilang patunay, nananatiling may puting laso na nakalagay sa simbahan.
Aniya na layunin nito na matigil o mahinto ang ganitong gawain dahil gusto ng simbahan ang pagkakaroon ng malinis na pamamahala ng mga namamahala sa gobyerno.
Dagdag pa niya, ang puti ay simbolo ng kalinisan at kadalisayan o purity, gayundin ng taimtim na panalangin para sa mga naapektuhan ng kalamidad gaya ng lindol upang makabangon muli sila at maibsan ang sakit na dulot ng pangyayaring naranasan ng mga pamilya ng mga nasawi sa sakuna.
Matatandaan na naglabas ng utos ang CBCP na nag-aanyaya sa lahat ng mananampalataya na magsuot ng puti tuwing Linggo ng Oktubre at Nobyembre, at maglagay ng puting laso sa mga tahanan, simbahan, at pampublikong lugar.
Sagisag ang puti ng taimtim na panalangin para sa kalinisan ng puso at bayan, tapat na pamamahala, katarungan at katotohanan, at pagsasanggalang sa mga sakuna.
Kasabay ng panawagan, hinihimok din ang bawat Kristiyano na manalangin ng taimtim para sa bayan, lalo na sa mga panahong sunod-sunod ang sakuna tulad ng bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan.