DAGUPAN CITY – Hindi nagkakasundo ang House of Representatives sa budget na nais nilang ipasa para sa susunod na fiscal year, kaya ito ang naging dahilan ng pag-shutdown ng kanilang gobyerno.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Des Baker, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, naipasa na ang budget sa House of Representatives kung saan 217 ang bumoto ng “yes” at 212 ang bumoto ng “no.”

Ngunit ang problema ay nasa Senado pa rin, dahil kailangan nila ng 60 “yes” votes para maipasa ang budget, subalit mayroon lamang silang 55 “yes” at 45 “no,” kaya kulang pa ng lima.

--Ads--

Isa ring isyu ngayon ang Affordable Care Act na ipinatupad ng Obama administration na mag-e-expire sa 2025.

Nakapaloob sa health care coverage nito ang mga low-income at mga illegal immigrants, ngunit sa ilalim ng Trump administration, prayoridad ang mga lehitimong mamamayang Amerikano at aalisin na sa health care coverage ang mga illegal immigrants.

Ayaw umano ng Democratic Party na bumoto para sa budget, at tutol din ang ilang miyembro ng Republican Party dahil magiging dagdag utang ito sa Amerika.

Ito na ang ikalawang pagkakataon sa ilalim ng administrasyon ni US President Donald Trump na nagkaroon ng shutdown na tumagal ng 35 araw.

Ayon kay Baker, nagsisisihan na ngayon ang mga mambabatas at kapwa nagmamatigas sa pagbabalik sa negotiating table upang maipasa ang budget.

Ayon sa Democratic Party, tumatanggi ang kampo ni Trump na makipag-usap para sa negosasyon. Sa kabilang banda, sinisisi naman ng Republican Party ang Democrats sa kabiguang maipasa ang budget.

Ang nakikitang solusyon ni Baker ay ang pag-apruba ng isang pansamantalang resolusyon upang mapalawig ang kasalukuyang budget hanggang Nobyembre 21.

Gayunpaman, hindi pa rin sila nagkakasundo kung paano hahatiin ang pondo—kung aling bahagi ang babawasan at kung ano ang maaaring tanggalin.

Sa ngayon ay hindi pa nararamdaman ang epekto ng federal shutdonwn.

Ngunit, asahan na magkakaroon ng epekto sa ekonomiya at maramdaman din ng mga nasa private sectors.