Sri Lankan new president
Ranil Wickremesinghe, Sri Lanka's new prime minister

Hindi pa rin nakaiwas ang bagong halal na pangulo ng Sri Lanka mula sa mga batikos at malamig na pagtanggap ng mamamayan.
Ayon kay Priscila Rollo Wijesooriya, bombo International News Correspondent mula sa bansang Sri Lanka, sa kasagsagan ng eleksyon ay hindi pa rin nawala ang mga protesta, marami ang nagkumpol kumpol sa labas ng parliamento at nilalabas ang kanilang damdamin.
Mistulang hindi nila matanggap ang kanilang bagong pangulo.
Matatandaan na idineklarang bagong pangulo ng Sri Lanka si Prime Minister Ranil Wickremesinghe na tumayo ring acting president matapos magbitiw si dating Pangulong Goatabaya Rajapaksa.
Tinalo ni Wickremesinghe ang kaniyang pangunahing katunggali na dating education minister at dating journalist na si Dullus Alahapperuma na nakakuha ng 134 kumpara sa 82 sa isinagawang botohan ng parliament ng Sri Lanka.
Ngunit sinabi ni Wijesooriya na nahahati ngayon ang mga Sri Lankan dahil may sumasang ayon at mayroon namang hindi sumang ayon sa pagkakaroon nila ng bagong pangulo.
Nabatid na target ng bagong pangulo na maibalik ang political stability sa kanilang bansa upang maipagpatuloy ang mga negosasyon sa International Monetary Fund (IMF) para sa bailout package.
Magsisilbi si Wickremesinghe bilang pangulo hanggang November 2024.