DAGUPAN, City- Nagiging mas matindi pa ang nangyayaring sitwasyon sa mga mamamayan sa bansang Turkey, isang linggo matapos tumama ang 7.8 magnitude na lindol.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Caroline Cengiz, mula sa Antakya, Hatay Turkey, matapos ang nangyaring pagtama ng naturang sakuna sa nabanggit na bansa, napakaraming mga kinakaharap na pagsubok para sa mga mamamayan tulad na lamang ng kakulangan sa pagkain, kawalan ng sapat na tubig, gayundin ng hygiene kits, at sapat na heater kasabay ng malamig na panahon.
Marami umano sa mga residente doon ang nakakaranas ng cholera at ilang flu diseases.
Aniya, sa ngayon ay psychologically affected din ang mga mamamayan matapos ang lindol lalo na at marami sa kanila ang natutulala o hindi pa nila alam kung paano magsisimula muli dahil hindi pa rin mag-sink in sa kanila ang mga naganap lalo sa idinulot na pinsala at dami ng nasawi.
Marami umano sa mga mamamayan ngayon doon ang naghahanap at nangangailangan ng mga psychiatrist upang matulungan sila sa kanilang nararanasan ngayong trauma.
Sa kanya ring pakikipag-usap sa mga kaanak at Pilipino sa bahagi ng Ankarya, marami sa kanila ang hindi maiwan ang kanilang nasirang mga bahay dahil sa pagsasalba sa kanilang mga natirang gamit o appliances upang hindi ito nakawin ng iba.
Dagdag pa niya, inaasikaso na rin nila ang kanilang mga papeles para sa ipinangakong tulong pinansyal ng pamahalaan ng Turkey na nasa 10,000 Turkish lira o katumbas ng 30,000 pesos sa pagpapatayo o pagsisimulang muli ng mga naapektuhan ng lindol.
Habang ang ilang mga rehiyon naman ay nangakong magpapatayo ng libreng pabahay sa mga residente.