Isang malungkot na balita para sa mga mamamayan ng China ang pagkasawi ng nasa 132 na pasahero ng bumagsak na eroplano ng China Eastern Airlines.
Ayon kay Bombo International Correspondent Glenda Fernandez, sa taas at bilis ng pagbagsak ng eroplano sa bahagi ng kabundukan, ay malabo umano talaga na may makaligtas sa naturang insidente.
Aniya, base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad ay bigla na lamang nawalan ng contact ang eroplano sa air traffic controller sa lungsod ng Wuzhou ilang minuto matapos ang insidente.
Matatandaang ang naturang eroplano ay mula sa Kunming at patungo sa Guangzhou ay bumagsak sa bulubunduking bahagi ng lugar.
Nakakagulat umano ang pagbagsak ng naturang sasakyang panghimpapawid sapagkat mahigpit umano ang inspeksyon sa mga chinese airlines lalo na at madalang mangyari ang matinding aksidente ng eroplano sa China na ang pinakahuli ay noong 2010 na ikinasawi 44 katao.